Isinulong ni AnaKalusugan Party-list Representative Ray Florence Reyes na maitaas ang buwis na ipinapataw sa mga inuming may asukal.
Diin ni Reyes, paraan ito para maiwasan ang sakit na diabetes na pang-apat sa nangungunang dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino.
Naniniwala si Reyes na ang pagtataas sa sweetened beverage tax ay mag-oobliga sa mga manufacturer ng matatamis na inumin na lumikha ng produktong mas mabuti sa kalusugan ng mamamayan.
Tinukoy rin ni Reyes ang pagtaya ng International Diabetes Federation na posibleng tumaas ng 85 percent ang mga Pilipinong maysakit na type 2 diabetes dahil sa sugary drinks.
Layunin din ng panukala ni Reyes na madagdagan ang pondong nakalaan sa pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC) upang mapalawak ang mga programa sa ilalim nito na para sa mga mahihirap at higit na nangangailangan.
Ayon kay Reyes, kung tataas ang pondo ay maaring ipaloob sa UHC ang optical and dental services at ang pagtatayo ng mga clinic at ospital sa kanayunan.