*Sulu* – Nagkaroon umano ng bayaran para sa kalayaan ng apat na mga construction workers na dinukot ng bandidong grupong Abu Sayyaf sa lalawigan ng Sulu bago makatakas ang tatlo, ayon sa isang huling biktimang nakatakas.
Kinumpirma ni Edmundo “Moymoy” Ramos na nagbayad ang kanilang contractor sa Abu Sayyaf pero kalahati ng pera ay peke, bago pa man makatakas ang tatlo niyang kasamahan habang siya’y naiwan.
Subalit naghanap umano siya ng paraan para makatakas sa kamay ng ASG, at noong a-trese ng gabi nagkaraoon siya ng tiyansa at nakatakbo palayo sa kanyang mga kidnapper.
Sinabi ni Ramos, nagdrama umano sila noong una na sumanib sa ASG para hindi sila saktan ng mga ito.
Prinisinta rin kahapon kay Zamboanga City Mayor Beng Climaco si Ramos, kung saan kasama niya ang kanyang sampung taong gulang na anak.
Pinaalalahanan naman ni Mayor Climaco ang mga Zamboanguenios construction worker na kung maaari ay iwasang tumanggap ng trabaho sa mga area na kritikal katulad ng Sulu.
Matatandaang dinukot si Ramos at ang mga kasamahan niyang si Jayson Baylosis , Joel Adanza, at Jung Guerero na unang nakatakas sa Kampang Elementary School Sports Complex sa Patikul, Sulu noong Hulyo 15.
Ni-rescue naman si Ramos sa bisinidad ng Tapiantana Island sa lalawigan ng basilan ng madaling araw ng August 14 ng joint task force Basilan, Naval Task Group. Naval forces 61, at Naval Intelligence Security Group Western Mindanao.