Pagtakas sa bansa ni Alice Guo, iimbestigahan ng Senado

Magkakasa na rin ng pagdinig ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality patungkol sa paglabas sa bansa ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Giit ni Hontiveros, hindi nila mapapalagpas ang pagtakas ni Guo Hua Ping sa bansa gamit ang Philippine passport.

Aalamin sa imbestigasyong gagawin kung paano nakalusot si Guo sa mga otoridad gayong may warrant of arrest ito sa Senado at nakalista siya sa Immigration Lookout Bulletin.


Bubusisiin din kung paano nakakagamit ng Philippine passport si Guo kahit pa napatunayang ito ay hindi tunay na Pilipino at nagagawa pang magpalipat-lipat ng bansa.

Kasama sa ipapatawag ng komite si Atty. Elmer Galicia, ang nagnotaryo sa counter affidavit na isinumite ni Guo sa Department of Justice (DOJ) noong August 14.

Matatandaang naniniwala si Hontiveros na posibleng may mataas na opisyal ng pamahalaan ang tumulong kay Guo para makaalis ng bansa na hindi nalalaman ng mga awtoridad.

Facebook Comments