Hindi na ikinagulat ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang paghahain ni Senador Christopher “Bong” Go ng certificate of candicacy (COC) para sa vice presidential bid.
Matatandaang umatras si Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo sa nasabing posisyon kasabay ng anunsyong magreretiro na siya sa pulitika.
Ayon kay Trillanes, inaasahan na nila ang kaliwa’t kanang gimik ng administrasyon para linlangin ang mga tao imbes na tapatin ang taumbayan sa totoo nilang intensyon.
Naniniwala din si Trillanes na nagbago ng plano ang administrasyon matapos na madawit ang pangalan ni Go sa isyu ng Pharmally.
Aniya, ang pag-atras ni Go ay malinaw na senyales ng pagtakbo ni Davao City Mayor Sara Duterte sa pagka-pangulo.
Samantala, iginagalang naman ng dating Senador ang proseso ng pagdedesisyon ni Vice President Leni Robredo kung tatakbo siya o hindi sa presidential elections.
“Nagbibigay tayo ng espasyo para kay VP Leni dahil iba ang kanyang proseso sa pagdedesisyon. So, hindi naman natin siya pine-pressure, kumbaga, hanggang sa dulo, tayo ay naka-standby,” ani Trillanes sa interview ng programang Kwentong Barbero at Iba Pa sa RMN Manila.
“Hayaan natin. We’re still waiting for the next few days pero baka naman talagang mabigat na desisyon para kay VP, so, sige lang we will be giving her all the space the she needs,” dagdag niya.
Samantala, kung magdesisyong tumakbo sa pagka-pangulo si Robredo ay muli namang sasabak sa Senatorial race si Trillanes.