Magiging malaking bentahe para kay Vice President Leni Robredo ang pagtakbo ni Senator Bong Go bilang pangulo sa 2022 elections.
Ito ang inihayag ng isang political analyst matapos ang pag-atras ni Go bilang vice president at paghahain naman ng Certificate of Candidacy (COC) sa pagkapresidente nitong Sabado.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Professor Jean Franco ng University of the Philippines na mahahati kasi ngayon ang boto sa pagitan nina dating Senador Bongbong Marcos at Senator Go.
Kasunod nito, idinagdag pa ni Franco na pagkakataon na rin ngayon ni Robredo na maglatag ng mga karagdagang plataporma upang mas makahakot ng mga tagasuporta.
Samantala, iginiit naman ni Professor Ramon Casiple na posibleng marami pang mangyari bago matapos ang araw na ito lalo na’t ‘unpredictable’ ang mga desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang kinumpirma ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na ngayong araw maghahain din ng COC si Pangulong Duterte bilang vice president.