Wednesday, February 18, 2026

Pagtakbo ni VP Sara Duterte sa pagka-pangulo sa 2028 national elections, tiniyak na hindi makakaapekto sa impeachment case nito

Nilinaw ni Senate President Tito Sotto III na walang magiging epekto sa gagawing paglilitis ng Senado sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte ang pagtakbo ng bise presidente sa 2028 national elections.

Ayon kay Sotto, inaasahan ang mga senador na palaging maging impartial o walang pinapanigan kahit sino pa ang kasuhan o sampahan ng articles of impeachment.

Sinabi ng Senate president na kandidato o hindi kandidato sa halalan ay balewala ito dahil sa tungkulin na inaasahan sa kanila bilang mga senator judges.

Dagdag pa ni Sotto masyado pang maaga para itanong sa kanya ang bagay na mangyayari pa lang sa 2028 dahil puro espekulasyon lamang ito sa ngayon.

Samantala, sinabi naman ni Senator Risa Hontiveros na kapag may umabot na impeachment complaint laban kay VP Sara, silang mga senator judges ay magdedesisyon at boboto batay sa ebidensyang ipiprisinta sa kanila.

Facebook Comments