Patuloy na pinag-iisipan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtakbo sa pagka-senador sa 2022 elections.
Ayon kay Senator Christopher “Bong” Go, ikinokonsidera at pinag-aaralang mabuti ni Pangulong Duterte kung makatutulong ba sa bayan kung siya ay magiging senador.
Sabi ni Go, kasama rin sa isinasaalang-alang ni Pangulong Duterte sa kanyang pagpapasya ay kung makakatulong sa kanyang kinaanibang PDP-Laban at kanilang mga kandidato sakaling mapabilang siya sa senatorial slate nito.
Higit sa lahat ay binigyang-diin ni Go na ang pagiging bukas ni Pangulong Duterte na sumabak sa pagka-senador ay bunsod ng proven and tested na pagseserbisyo nito sa mamamayan na hindi lang sa salita kundi sa gawa.
Samantala, kinumpirma ni Go na magpupulong ang mga opisyal ng PDP-Laban bago ang November 15 para isapinal ang lahat ng kanilang magiging kandidato sa darating na halalan.
Muli naman tiniyak ni Go na siya ay desidido na sa pagsabak sa pagka-bise presidente.