
Malinaw para kay House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na ang pagkakatalaga kay Davao City Mayor Baste Duterte bilang pangulo ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) ay “Plan B” para sa 2028 presidential elections.
Diin ni Tinio, ito ay paghahanda ng mga Duterte sakaling tuluyang ma-impeach hanggang sa Senado si Vice President (VP) Sara Duterte, na base sa 1987 Constitution ay may kaakibat na perpetual disqualification sa anumang posisyon sa pamahalaan, kabilang ang pagbabawal sa pagkandidato sa pagkapangulo.
Tinukoy ni Tinio na bukod sa ginawang presidente ng PDP si Mayor Baste, ay mayroon pang binuong koalisyon na Reform Alliance for Good Governance and Accountability para bigyan ng national platform ang isa pang Duterte.
Para kay Tinio, ang nabanggit na mga hakbang ay nagpapakita na kabado ang kampo ng mga Duterte dahil malaki ang posibilidad na magtuloy-tuloy ang conviction sa Senate Impeachment Court laban kay VP Sara Duterte.










