Pagtalakay ng bicam sa 2022 national budget, tatagal lang ng apat na araw; pambansang pondo, target na mapapirmahan sa pangulo bago mag-Pasko

Pipilitin ng bicameral conference committee na tapusin ang pagtalakay sa mga “contentious provisions” na nakapaloob sa 2022 national budget sa loob ng apat na araw.

Ayon kay Appropriations Chairman Eric Go Yap, simula ngayon at sa susunod na tatlong araw ay sila na lamang ni Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara ang mag-uusap para pagkansunduin at plantsahin ang mga magkakaibang probisyon ng Kamara at Senado sa pambansang pondo.

Magkagayunman, may gabay pa rin naman aniya ito ng mga miyembro ng bicam.


Target kasi ng bicam na maaprubahan ito agad matapos ang apat na araw at maratipikahan na ang pambansang pondo sa December 13 o bago ang Christmas break ng Kongreso.

Bago naman mag-Pasko ay inaasahang nasa lamesa na ito ng tanggapan ng pangulo at napirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kumpiyansa si Yap sa mabilis na paglusot ng P5.024 trillion national budget sa bicam dahil pareho naman umano sila ng adhikain ni Senator Angara na iprayoridad ang budget na tumutugon pa rin sa mga pangangailangan ngayong may pandemya.

Facebook Comments