Inaasahang magiging mainit ang pagtalakay sa plenaryo ng House of Representatives sa House Bill (HB) 9349 o panukalang “Absolute Divorce Act” dahil magkakaiba ang pananaw hinggil dito ng mga mambabatas.
Si La Union 1st District Representative Francisco Paolo Ortega, agad ng nagpahayag na hindi siya boboto pabor sa panukalang diborso dahil ang isinusulong niya ay gawing simple ang ilang probisyon sa annulment.
Naghayag din ng 100% na pagkontra si Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez sa panukala, at nagpalista ito sa mga makikipag-debate.
Para naman kay Marikina Representative Stella Quimbo, bilang maybahay at ina, ay bukas siya sa mga gagawing talakayan upang masusi niyang mapag-aaralan ang panukala.
Binanggit naman ni Lanao del Norte 1st District Representative Mohammad Khalid Dimaporo, maipapasa lamang ang nasabing panukalang batas sa diborsiyo kung mayroong overwhelming support mula sa mga mambabatas.
Ayon kay Dimaporo, magiging divisive issue ay tiyak hindi lulusot sa kamara ang Divorce Bill.
Iginiit naman nina Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas, at Albay Representative Edcel Lagman ang pangangailangang maipatupad ang diborsyo sa Pilipinas upang mabigyan ng tsansa ang mga mag-asawa na kumawala at maging malaya sa hindi magandang relasyon lalo kung sila ay dumaranas na ng pang-aabuso.