Pagtalakay sa 2022 national budget, hindi maaantala sa kabila ng mga findings at report ng COA

Tiwala si House Committee on Appropriations Chairman Eric Yap na hindi mabibitin ang pagtalakay ng Kamara sa panukalang 2022 national budget sa kabila ng mga inilabas na findings at reports ng Commission on Audit (COA) tungkol sa paggugol ng pondo ng ilang ahensya ng gobyerno.

Aminado si Yap na hindi maiiwasan na ungkatin at magtanong ang ilang mga kongresista kaugnay sa audit report ng COA sa gitna ng budget deliberations sa ₱5.024 trillion na 2022 national budget.

Hindi makakapayag si Yap na maapektuhan ng proseso ng pagbusisi sa pambansang pondo ang nasabing COA report.


Aniya, kung lahat na lamang ng nasa COA report ay tatalakayin sa budget ay baka hindi na umabot sa nakatakdang deadline ang pagpapatibay sa pambansang pondo.

Mayroon lamang 35 araw ang Kamara para tapusin at pagtibayin ang 2022 national budget.

Sinabi pa ni Yap na maaari namang maghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman kung may makita mang iregularidad ang COA.

Nauna nang naglabas ng 2020 audit reports ang COA para sa iba’t ibang ahensya gaya ng Department of Health (DOH) na nasita dahil sa hindi tamang paghawak ng COVID-19 response budget.

Facebook Comments