Pagtalakay sa Charter Change ng economic provisions, umarangkada na sa Senado

Sinimulan na ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang pagtalakay sa Resolution of Both Houses No. 3 o ang panukalang amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.

Idinaos ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes ang pagdinig sa Charter Change ng economic provisions sa Royal Mandaya Hotel sa Davao City.

Ayon kay Committee Chairman Senator Robin Padilla, nagdesisyon ang komite na gawin sa iba’t ibang panig ng bansa ang pagdinig sa pagamyenda ng economic provisions dahil ang nasabing usapin ay hindi lamang sumesentro sa Metro Manila.


Aniya, ang mga Pilipino ang sentro ng talakayan dahil ang pag-amyenda sa Konstitusyon ay direkta at malaki ang epekto sa kabuhayan at kinabukasan ng mga mamamayan.

Sa pagdinig ay tinawag ni Padilla na malaking kalokohan ang kahiligan ng Pilipinas na sumama sa mga trade agreement pero ang foreign direct investments (FDI) naman ng bansa ay nananatiling sarado.

Ito aniya ang dahilan kaya nananatili umanong kulelat ang Pilipinas sa foreign direct investment sa buong mundo at maging sa Asya.

Tinukoy rin ng senador na lahat na ng mga kapitbahay sa Asya ay binuksan na ang kanilang mga FDI maging ang mga komunistang bansa na China at Vietnam ay nagbukas na rin para sa mga dayuhan.

Nilinaw ni Padilla na hindi nangangahulugan na luluwagan ang ekonomiya para sa pamumuhunan ng mga dayuhan ay ipinagkakanulo at pagtatraydor na ito sa bansa.

Malinaw aniyang nakasaad sa kanyang panukala ang pagsingit sa katagang “unless otherwise provided by law” na ang ibig sabihin ay sisiguraduhin nilang mga mambabatas na mayroong sapat na safeguards ang mga batas para proteksyunan ang kabuhayan at interes ng taumbayan.

Naunang tinukoy ni Padilla ang isang pagaaral noong 2020 na FDI Attractiveness scorecard na kung saan ang Pilipinas ay pang 13 sa 14 na ekonomiya sa Asia-Pacific na mahigpit at mahina sa FDI.

Bukod dito, ipinunto rin ng senador na sa 83 ekonomiya sa buong mundo, pumapangatlo naman ang Pilipinas sa may pinakamahigpit na FDI.

Facebook Comments