Nagtakda na ng mga petsa ang NCR-Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) para sa pagtalakay sa consolidated wage hike petitions.
Nakapaloob dito ang tatlong petisyon na inihain ng Unity for Wage Increase Now (UWIN) noong November 25, 2019 at ng Metro East Labor Federation (MELF) noong March 4, 2022 na humihiling ng P213 na umento sa sahod; at ang P213 hanggang P250 na hirit na dagdag-sahod ng Solidarity of Unions in the Philippines for Emplowerment and Reforms (SUPER) noong March 4, 2022.
Kasama ring tatalakayin ng NCR-RTWPB ang panibagong P470 wage hike petition ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) para sa mga minimum wage earner sa Metro Manila.
Matatandaang ibinasura kahapon ng RTWPB ang hiling ng TUCP na P470 wage hike sa lahat ng mga manggagawa sa NCR dahil hindi umano sakop ng kanilang hurisdiksyon ang pagdedesisyon sa across-the-board increase.
Samantala, sabi ni NCR wage board chairperson Sarah Buena Mirasol, sa Abril 8 ay isasagawa nila ang konsultasyon sa hanay ng mga manggagawa.
Habang ang konsultasyon sa mga employers ay itinakda sa Abril 19.
Gaganapin naman ang public hearing sa Mayo 5.