Binuksan na ng Senado ang pagtalakay sa panukalang Freedom of Information (FOI) Bill.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, kinwestyon ng Committee Chairman na si Senator Robin Padilla kung bakit sa tagal na inabot na ng 31 taong pagsusulong sa Kongreso ang FOI bill ay hindi pa rin ito naisasabatas hanggang ngayon.
Inungkat pa ng senador na noong 16th Congress ay napagtibay naman ng Senado ang FOI bill pero hindi ito naisabatas.
Naniniwala si Padilla na hindi sapat ang executive order noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil ang sakop lang ng FOI ay mga ahensya ng gobyerno na nasa ilalim ng ehekutibo.
Iginiit ni Padilla na karapatan ng taumbayan na mabigyan ng karampatang impormasyon dahil sila ang nagpapasweldo sa mga nasa gobyerno at ang pagsasabatas ng FOI bill ay magpapatibay sa naunang executive order sa pamamagitan ng pagpuno sa mga kakulangan, pagbibigay ng pondo at pagtukoy ng mga parusang kriminal.
Sa ilalim ng isinusulong na FOI bill ng Senado, sasaklawin ng pag-oobliga sa freedom of information ang lahat ng sangay ng gobyerno kabilang ang ehekutibo, lehislatura at hudikatura dagdag pa rito ang mga Local Government Units (LGUs), Government-Owned or -Controlled Corporations (GOCCs), non-chartered GOCCs at mga state universities and colleges.
Samantala, suportado naman ng Presidential Communications Office (PCO) ang mungkahi ni Padilla na iendorso ang FOI bill na maisama sa LEDAC priority bills.