Pagtalakay sa Mandatory ROTC Bill sa Senado, naging mainit

Hindi kumbinsido si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa pahayag ng Department of National Defense (DND) na mahihirapan sila sa pagpapatupad ng Mandatory ROTC Bill.

Sa pagdinig ng Senado, inamin ni Defense Undersecretary Franco Nemesio Gacal na malaking logistics at personnel requirement ang kakailanganin para maipatupad nang maayos ang panukala.

Paliwanag ni Gacal, mayroong 2,400 Higher Education Institutions (HEIs) sa bansa at kung sa bawat paaralan ay may apat na tauhan na itatalaga para sa implementasyon ng mandatory ROTC ay nangangahulugan na mangangailangan ng 10,000 na tauhan para sa implementasyon ng programa.


Nang tanungin ng mga senador kung bakit sa mga nakalipas na panahon ay kinaya naman ang pagpapatupad ng ROTC program, tugon ng opisyal na limitado lamang kasi noon sa mga lalaki ang ROTC training hindi tulad ngayon na pati ang mga babae ay saklaw na ng naturang programa.

Sa puntong ito, mistulang napikon si dela Rosa at sinabing kung hindi kakayanin ng DND ay tigilan na ang usapan sa ROTC at panatilihin na lamang ang NSTP.

Gayunman, nilinaw ng DND na kakayanin nila ang pagpapatupad ng programa sa kondisyong ibibigay sa kanila ang buong suporta sa lahat ng pangangailangan.

Facebook Comments