Pagtalakay sa MUP pension, tatapusin sa House Committee level bago mai-akyat sa plenaryo ang proposed 2024 budget

Target ng Ad Hoc Committee on the Military and Uniformed Personnel (MUP) Pension Reform na tapusin ang pagtalakay sa MUP Pension Reform Bill bago maisalang sa plenaryo ang panukalang 2024 National Budget.

Ayon sa pinuno ng ad hoc committee na si Albay 2nd District Representative Joey Sarte Salceda, pakikinggan nila ang stakeholders upang mapahusay ang MUP Pension Reform Bill kahit may napagkasunduan na hinggil dito ang ehekutibo at liderato ng Kamara.

Binanggit ni Salceda na sa napagkasunduang bersyon ay tiyak ang taunang pagtaas sa sahod ng mga MUP, indexation ng pension, at pampondo sa pension system.


Ayon kay Salceda, kabilang sa key features ng panukala ang 3% annual salary increase sa susunod na 10 taon; indexation na lilimitahan lamang sa 50% ng salary increase ng active MUP; contribution scheme; at pagtatatag ng MUP Trust Fund.

Unang inihayag ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na nakamit ang kasunduan ukol sa MUP pension matapos ang tatlong oras na pulong sa pagitan ng mga miyembro ng economic team at senior House leaders alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Pagtiyak ni Romualdez, lahat ng ahensiya ng gobyerno at Kongreso ay magtutulungan para masiguradong mababayaran ang lahat ng pension ng ating mga sundalo at uniformed personnel.

Facebook Comments