Pagtalima ng mga sanitary landfills sa batas sa Solid Waste Management, pinaiimbestigahan ng isang senador

Ipinasisiyasat ni Senator Imee Marcos ang pagsunod ng mga sanitary landfills sa Republic Act no. 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 at iba pang batas, rules at regulasyon.

Inihain ng senadora ang Senate Resolution no. 244 kung saan inaatasan ang kaukulang komite sa Senado na imbestigahan kung nakasusunod ba sa batas ang mga sanitary landfills matapos ang nangyaring pagguho kamakailan ng landfill sa Barangay Binaliw sa Cebu City na ikinasawi ng anim na katao.

Tinukoy din sa resolusyon ang kahalintulad na trahedya noong 2000 na pagguho ng Payatas dumpsite sa Quezon City bunsod ng malakas na pag-ulan kung saan 200 katao ang nasawi at noong 2011 kung saan nag-collapse naman ang seksyon ng dumpsite sa Barangay Irisan sa Baguio City na ikinamatay naman ng limang katao.

Sisilipin sa imbestigasyon ang pagtalima ng mga sanitary landfills sa RA 9003 na nagdedeklara na ang estado ay dapat na maglatag ng sistematiko, komprehensibo at ecological solid waste management program na titiyak sa proteksyon ng kalusugan ng publiko at ng kapaligiran.

Maliban din sa nasabing batas, aalamin din kung nasusunod ba ng mg sanitary landfills ang Philippine Clean Air Act of 1999 na mahigpit na nagbabawal sa pagsusunog ng mga biomedical at hazardous waste na maaaring magdulot ng nakalalason at toxic fumes.

Sa kabila ng mga umiiral na batas na ito ay patuloy pa ring nakararanas ang bansa ng mga problema bunsod ng pagdami ng mga basura, limitadong kapasidad ng mga landfill at malaking agwat sa pagpapatupad ng mga batas at oversight.

Facebook Comments