Kinuwestyon ni House Senior Deputy Minority Leader Paul Daza ang pagtanggal ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa 1.3 milyong pamilya mula sa mahigit 4 na milyong pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Tanong ni Daza, nakaahon na ba talaga sa kahirapan ang nabanggit na pamilya gayong simula noong 2020 ay lalong tumindi ang kahirapan sa bansa dahil sa pandemya at pandaigdigang krisis sa ekonomiya bunga ng tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Kaugnay nito ay hinikayat ni Daza ang Joint Congressional Oversight Committee na pag-aralang mabuti kung ano ang batayan ng DSWD ng naturang numero at para busisiin ang performance ng 4Ps para makatukoy kung paano ito mapapahusay.
Nagulat at naalarma naman si 4Ps Party-list Rep. Jonathan Abalos sa pagtanggal ng DSWD sa 1.3 milyong pamilyang na bumubo sa 30% ng 4.2 milyong benepiyaryo ng 4Ps.
Ayon kay Abalos, base sa official reports ng DSWD ay nasa mahigit 776,000 lang ang mga pamilya na maaring maituring na hindi na dapat maging bahagi ng 4Ps.
Giit naman ni Gabriela PL Rep. Arlene Brosas, dapat i-review nang mabuti ang proseso ng DSWD hinggil sa pagtatanggal ng mga benepisyaryo dahil baka mauwi lamang sa “instawid” sa halip na “pantawid” ang 4Ps.