Pagtanggal ng mga hindi bakunado sa listahan ng 4Ps beneficiaries, inalmahan ng ilang mambabatas

Binatikos ng ilang mambabatas ang panukala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na tanggalin sa listahan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang mga Pilipinong hindi pa nababakunahan kontra COVID-19.

Ayon kay Gabriela partylist at House Assistant Minority Leader Rep. Arlene Brosas, isa itong walang kwentang pamamaraan na tila pinoprotektahan ang administrasyon para maitago ang pagiging mabagal at hindi pantay ng bakunahan.

Imbes aniya na pagbuhusan ng oras, dapat pagtuunan na lang ng pansin ang paggawa ng epektibong information drives na manghihikayat sa lahat na magpabakuna.


Maliban kay Brosas, mapang-api at kontra naman sa mahihirap ang plano para kay Anakalusugan Party-list Representative Michael Defensor.

Inaasahang mas marami kasi aniyang Pilipino ang maaapektuhan nito lalo’t nasa gitna ng pandemya ang bansa dahil sa COVID-19.

Ang 4Ps ay mayroong alokasyong P106.8 billion pondo ngayong taon kung saan P99.2 billion ang tulong-pinansiyal.

Facebook Comments