Posibleng abutin pa hanggang katapusan ng taon bago tuluyang malinis ang oil spill sa karagatan ng Oriental Mindoro.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Information Officer Diego Agustin Mariano, matagal-tagal bago tuluyang matanggal ang oil spill sa karagatan lalo na’t kumakalat na ito sa mga kalapit lalawigan tulad sa Taytay, Palawan maging sa Isla Verde sa Batangas.
Pero posible aniyang abutin pa ng ilang taon bago tuluyang matanggal ang epekto nito sa karagatan.
Apektado na kasi ng naturang oil spill ang biodiversity, marine life, kabuhayan at kalusugan ng mga residente.
Sa ngayon, puspusan ang ginagawang oil spill clean up ng pamahalaan katuwang ang Japan.
Naghayag na ring tumulong ang Estados Unidos at South Korea.
Matatandaang February 28, 2023 ng lumubog ang MT Princess Empress sa bahagi ng Oriental Mindoro kung saan may karga itong 800,000 liters ng industrial fuel oil.