Pinag-aaralan na ng lokal na pamahalaan ng Pasay kung tatangalin na nila ang penalty o multa sa mga hindi makakabayad ng buwis.
Ito’y bunsod na rin ng patuloy na banta ng COVID-19 sa bansa.
Sa isang panayam kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, pinag-aaralan na ng konseho ng lokal na pamahalaan kung anong nararapat na gawin para hindi naman mahirapan sa pagbayad ng kanilang buwis ang mga may negosyo na lubhang naapektuhan dahil sa COVID-19 pandemic.
Kasama rin sa pinag-aaaralan ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang pag-waive o pagtanggal ng mga penalty gayundin kung papalawigin pa nila ang araw ng pagbayad ng buwis.
Nabatid na ilan sa mga nagne-negosyo sa lungsod ng Pasay ay pansamantala o tuluyang nagsara habang ang iba ay nagsisimula pa lamang makaahon.
Samantala, inilunsad na ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang online system para sa renewal ng business permits na magiging available rin sa mga bagong magtatayo ng negosyo simula sa Enero sa susunod na taon.
Ang naturang app ay tinawag na “Pasay E-Business Go Live” kung saan idinisenyo ito para sa contactless processing ng permit para maiwasan na rin ang face-to-face transactions sa pagitan ng city hall employees at publiko na nais mag-proseso ng permits.