Inirerekomenda ngayon ni Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang selective o conditional quarantine lifting sa mga lugar na wala nang kaso ng COVID-19.
Paliwanag ni Co, ito ay upang makapagsimula na ulit ang mga negosyo sa mga piling lugar at makabalik na rin sa kanilang trabaho ang ilang kababayan upang mabawasan ang pasanin ng gobyerno.
Aniya, limitado lamang din ang resources ng pamahalaan para masuportahan at pakainin ang milyun-milyong nawalan ng hanapbuhay.
Pero giit ng kongresista, ang pagtatanggal ng quarantine sa mga piling lugar ay depende pa rin sa gagawing pag-aaral ng task force at sa evaluation ng mga health experts.
Marami, aniyang, island-provinces na wala nang kaso ng COVID-19 o kung meron man ay iisa lang sa nakalipas na 15 araw.
Dagdag pa nito, maaari namang maglatag ng mga kondisyon sa mga probinsya at munisipalidad na kuwalipikado para sa piling quarantine lifting kaakibat ng pagpapatupad pa rin ng mga kinakailangang mga pag-iingat tulad ng social distancing at pagsusuot ng face mask.