
Isinusulong ngayon sa House of Representatives of the Philippines ng ilang kongresista na ihinto ang pagpapataw ng Value Added Tax (VAT) sa kuryente upang mapababa ang singil nito sa mga konsyumer.
Nakapaloob ito sa House Bill No. 4926 na inihain nina Representatives Jude Acidre, Yedda Marie Romualdez, Andrew Julian Romualdez, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Aamyendahan ng panukala ang National Internal Revenue Code upang gawing exempt sa VAT ang bentahan ng kuryente ng generation, transmission, at distribution companies, pati na ng electric cooperatives.
Ipinunto sa panukala na ang pagpapataw ng VAT sa bawat yugto ng power supply chain ay nagreresulta sa “compounded tax costs” na pinapasan ng mga kumokonsumo ng kuryente.
Binigyang-diin din sa panukala na ang pagbaba sa presyo ng kuryente ay magpapalakas sa purchasing power ng pamilyang Pilipino at magpapaigting sa kakayahan ng mga lokal na industriya, na magreresulta sa paglikha ng trabaho at higit na pag-unlad ng ekonomiya.










