
Iginiit ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Representative Sarah Elago sa pamahalaan na alisin ang 12% Value-Added Tax o VAT.
Ayon kay Elago, mabisang paraan ito para agad mapababa ang presyo ng mga pagkain.
Hirit ito ni Elago makaraang ihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na tumaas sa 1.8 percent ang inflation rate nitong December.
Diin ni Elago, hindi dapat pinapasan ng mamamayan ang bigat ng inflation habang patuloy na binubuwisan ang pagkain at iba pang pangunahing bilihin.
Hindi katanggap-tangap para kay Elago ang argumento ni Executive Secretary Ralph Recto na ang pagtapyas o pag-alis sa VAT ay magreresulta sa pangungutang ng gobyerno.
Ayon kay Elago ang mga nasa Pamahalaan ang mismong nagpapalala sa sitwasyon dahil sa korapsyon at maling prayoridad na syang ipinapakita sa inaprubahang 2026 budget na nagpapalakas sa pork barrel system, patronage politics, at sistemikong katiwalian.










