Mariing tinutulan nina Senators Sonny Angara at Joel Villanueva ang panukala ni Labor Secretary Silvestre Bello III na tanggalin na ang mga licensure exams para sa mga professionals tulad ng mga nars.
Ayon kay Senator Angara, maaaring hindi kailangan na may professional test sa lahat ng profession tulad ng mga nasa linya ng trade at sales o pagbebenta ng produkto.
Pero giit ni Angara, mahalaga ang board exam para sa mga doktor, engineer, lawyer at iba pang propesyon na kapag nagkamali ay posibleng magresulta sa pagkawala ng buhay at maaaring may mapagkaitan ng kalayaan.
“They are not needed for every profession but are impt for engineers, lawyers, doctors where mistakes can result in loss of life and Liberty. But are not necessary for some professionals who may be engaged in trade or sales,” ani Angara.
Nanindigan din si Senator Villanueva sa pagpapanatili ng professional licensure system ng bansa kahit na nahihirapan ang Professional Regulation Commission (PRC) na isagawa ang mga board exams dahil sa pandemya.
“Kahit marami na po ang dismayado sa kabiguan ng PRC sa pagpapatupad ng nakatakdang board exams noong nakaraang taon pa, kailangan pong manatili ng ating professional certification exams,” sabi ni Villanueva.
Paliwanag ni Villanueva, ito rin ang huling layer ng ‘quality control’ bago payagan ang mga graduates na magsanay bago sumabak sa trabaho, na kadalasan ay nakadepende ang mga buhay ng tao tulad ng mga doktor o ang tibay ng mga gusali sa kaso ng inhinyero.
Diin pa ni Villanueva, ang nabanggit na pagsusulit ang nagpapalakas sa kredibilidad ng mga Filipino professionals dito sa bansa at sa buong mundo.
“Baka makasama din ito sa ating mga OFWs, dahil marami sa kanila ay nakakuha ng trabaho sa ibang bansa dahil may reputasyon sila na magaling dahil may wastong sertipikasyon,” dagdag ni Villanueva.
Nangangamba din si Villanueva na ang pagtanggal sa board exam ay makakasama sa mga OFWs na karamihan ay nakakakuha ng trabaho sa ibang bansa dahil may reputasyon na sila ay magaling dahil may wastong sertipikasyon.