Nilinaw ng Department of Health (DOH) na ang pagpapalabas ngayon ng Inter-Agency Task Force (IATF) ng bagong listahan ng mga lugar na tinanggal na sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) habang ang iba ay naibaba na sa General Community Quarantine (GCQ) ay hindi nangangahulugang kontrolado na ng bansa ang pagkalat ng COVID-19 cases.
Kaya naman, sinabi ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan pa rin ipagpatuloy ang pagpapatupad ng minimum health standards and requirements sa lahat ng pagkakataon.
Kabilang dito, ang pagpapalusog ng katawan at isipan, pagbawas ng transmission o pangkakahawa-hawa kaya kailangan dito ang palagiang paghuhugas ng kamay at iba pang personal hygiene, cough etiquette, kapag may sakit wag nang lumabas pa ng bahay at palagiang pagsasagawa ng disinfection sa paligid.
Kailangan din aniyang bawasan ang physical contact sa ibang tao at limitahan ang galaw ng mga tao.
Binigyang diin ni Vergeire na para maiwasan ang second wave ng COVID-19, ang ginagawang approach ngayon ng pamahalaan ay transition system o dahan dahan lamang na pagtatanggal ng ECQ depende sa kaso ng COVID-19 at ang kakayahang tugunan ng health care facility ang mga kaso ng COVID-19 sa isang rehiyon.