Pinuri ni Senator Francis Tolentino ang pasya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na alisin ang lahat ng e-sabong operators mula sa electronic wallet applications.
Matatandaang noong Mayo 6 ay nagpadala ng liham si Tolentino kay BSP Governor Benjamin Diokno kung saan hiniling niya na atasan nito ang lahat ng kinauukulang electronic money issuers na alisin ang lahat ng e-sabong features sa kanilang platforms.
Ang hakbang ni Tolentino ay kasunod ng serye ng pagdinig ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunan ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ukol sa pagkawala ng 34 na mga sabungero na konektado sa e-sabong.
Para kay Tolentino, malinaw sa pagdinig na nakakapinsala sa lipunan ang e-sabong, lalo na at madali at malayang nakakalahok o nakakataya dito ang lahat maging ang mga menor de edad sa pamamagitan ng e-wallet apps.
Bukod dito ay kinastigo din ni Tolentino ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGC) sa pagbibigay pahintulot sa operasyon ng e-sabong kahit sa panahon ng traditional religious holidays tulad ng Good Friday na isang paglabag aniya sa pananampalataya ng mga Kristyano.