Pinuri ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay 2nd district Rep. Joey Sarte Salceda ang kautusan ng Department of Health (DOH) na nagtatanggal sa paggamit ng booklet na isa sa mga requirement sa pag-avail ng diskwento ng mga senior citizen.
Nagpapasalamat si Salceda sa DOH at Kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa wakas ay permanente nang ipapatupad ng DOH ang hiindi paggamit ng booklet para ma-enjoy ng mga lolo at lola ang 20% discount lalo na sa pagbili ng gamot.
Ipinaalala ni Salceda na sa pagdinig na kanilang isinagawa noon alinsunod sa atas ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ay lumabas na isa sa problema ng mga senior citizen ang pagbitbit ng booklet na madalas ay kanilang nakakalimutan o nawawala.
Sa kasalukuyang patakaran kasi ay kailangang iprisenta ng senior citizen ang booklet kasama ang discount card para makamit ang kanilang diskwento.