Pagtanggal sa panukalang mandatory na paggamit ng face mask sa mga pampublikong lugar, sinisilip na ng Cebu City LGU

Kinokonsidera na ni Cebu City Mayor Michael Rama ang pagtanggal sa mandatory face mask policy sa mga pampublikong lugar sa lungsod.

Ito ang kaniyang tinalakay sa posibleng relaxation sa paggamit nito sa isang pagpupulong kasama ang mga stakeholders at department heads.

Dito ay ipinresenta ng kalihim ni Rama na si Atty. Collin Rosella ang isang draft ng executive order hinggil sa pagtanggal ng face mask policy.


Hindi naman ito isinapubliko dahil sasailalim pa ito sa ilang pagbabago at kinakailangan ito ng implementing rules upang hindi magresulta ang pagtanggal nito sa pagsirit muli ng COVID-19 cases sa lungsod.

Mababatid na nitong Hunyo lamang ay nag-isyu ng executive order si Cebu Governor Gwendolyn Garcia ng kaparehong hangarin na nagresulta sa tensyon sa pagitan ng national government kabilang si Interior Secretary Eduardo Año.

Ito naman ay sinuportahan ng provincial board at kalaunan naging ordinansa na sa probinsya.

Facebook Comments