Pagtanggal sa Pilipinas sa listahan ng high-risk third countries ng UK, makakatulong sa ekonomiya —BSP

Tiniyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na lalo pa nilang paiigtingin ang paglaban kontra financial crimes gaya ng money laundering at terrorism financing sa bansa.

Ito ay matapos alisin ng European Union (EU) ang Pilipinas sa listahan ng mga tinatawag na high risk third countries noong mga nakalipas na buwan.

Ayon kay BSP Governor Eli Remolona, tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng reporma para masigurong matatag at maayos ang ating sistema sa pananalapi, at para manatili ang tiwala ng pandaigdigang merkado.

Bilang chairman din ng Anti-Money Laundering Council, sinabi ni Remolona na patuloy ang pagtutok para mas palakasin pa ang kakayahan ng bansa na lumaban sa financial crimes at makasabay sa pamantayan ng ibang bansa.

Sa desisyon ng EU, kinilala nila ang mas epektibong pagpapatupad ng Pilipinas laban sa money laundering at terorismo, pati na ang pagsasara sa mga kahinaan na una nang nakita ng Financial Action Task Force o FATF.

Matatandaang nitong Marso 27, tinanggal na rin ng United Kingdom ang Pilipinas sa kaparehong listahan, kasunod ng naging pulong ng FATF noong Pebrero.

Ayon sa BSP, ang pagkakaalis ng Pilipinas sa watchlist ng FATF, UK, at EU ay patunay ng lumalakas na kumpiyansa ng ibang bansa sa ating sistema laban sa money laundering at terorismo.

Inaasahan din na magbubunga ito ng benepisyo para sa mga Pilipino gaya ng mas mababang singil sa remittance at mas matatag na ugnayan ng mga bangko sa abroad, na makakatulong sa paglago ng ating ekonomiya.

Facebook Comments