Tutol ang isang medical expert sa bagong panuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na tanggalin ang facility-based quarantine sa mga fully vaccinated foreign travelers at Retuning Overseas Filipinos (ROFs) simula Pebrero 1.
Ayon kay dating National Task Force (NTF) Special Adviser Dr. Anthony Leachon, ang bagong polisiya ay posibleng magdulot ng superspreader events.
Sinabi nito na dapat man lang ay magsagawa ng rapid antigen sa mga ito kahit sila ay fully vaccinated dahil maaari pa rin silang maging carrier ng COVID-19.
Dagdag pa ni Leachon, posibleng makuha ng Overseas Filipino Workers (OFWs) ang virus sa pag-uwi nito sa mga probinsyang mataas ang kaso ng COVID-19 at mababa ang vaccination rate o ‘di kaya naman ay sila ang magdala ng virus sa lugar.
Nabatid nito ang kaso ni Gwyneth Chua na isang ROF mula Amerika na iniwasan ang quarantine upang umattend ng isang party sa Makati noong Disyembre na kalaunan ay nagkalat ng COVID-19 sa naturang pagtitipon.