Pagtanggal sa travel ban sa 10 bansa, nakakabahala

Ikinabahala nina senators Nancy Binay at Risa Hontiveros ang pag-alis ng Inter-Agency Task Force o IATF sa travel ban sa sampung bansa.

 

Dismayado si Binay na niluwagan ang travel restrictions kung kailan pataas nang pataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa bukod sa kulang pa tayo sa safety nets at sablay pa rin ang border control measures natin.

 

Diin ni Binay, ang mga ganitong pabago-bago, magkakontra at hindi angkop na patakaran ay nagpapahina sa ating pagsusumikap na mapigilan ang pagpasok sa bansa ng COVID-19, lalo na ang mga mas nakakahawa at nakakamatay na variant.


 

Kwestyon naman ni Senator Hontiveros, tama bang iprayoridad ng administrasyon ang pag-alis sa travel ban habang punong-puno ang mga ospital?

 

Batikos pa ni Hontiveros, ginagawang laro ng gobyerno ang pagbubukas-sara sa mga paliparan habang nasa 25% plus ang ating COVID-19 infection rate, may Delta variant tayong kinakaharap, tinatayang tataas pa ang kaso sa mga susunod na linggo at may Mu variant pa.

 

Ipinunto ni Hontiveros na usapin ito ng kaligtasan at kalusugan ng mga kababayan natin kaya inaasahang ipapatupad ng Bureau of Quarantine at iba pang ahensya ang mga protocol para tiyakin ang proteksyon sa kalusugan ng mamamayan.

 

Si Senate President Tito Sotto III naman, nais malaman kung ano ang rason at ano ang agenda ng nabanggit na hakbang.

Facebook Comments