Pagtanggal sa VAT na ipinapataw sa local healthcare supplies, isinulong sa senado

Isinusulong ni Senador Imee Marcos na protektahan ang mga lokal na manufacturer ng Personal Protective Equipment (PPE) at iba pang mga medical supply sa “tax variant” ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na ipinalabas noong Hunyo.

Ang tinutukoy ni Marcos ay ang pagbawi ng BIR sa 12% Value Added Tax o VAT exemption sa pagbebenta ng mga raw materials, packaging supplies at iba pang serbisyo sa mga export-oriented manufacturers kabilang ang critical healthcare suppliers.

Giit ni Marcos, ang kanilang kakarampot na kita na mas mababa pa sa 5% ay tuluyang mawawala dahil sa bagong BIR regulation na nagpapatupad ng 12% VAT.


Nakapaloob sa Senate Bill 1708 o panukalang Healthcare Manufacturing and Pandemic Protection Act na inihain ni Marcos, na ang mga local sales ng mga critical healthcare goods na ginagawa ng mga exporter ay itatratong export sales.

Kaya hindi sila papatawan ng VAT, duties at iba pang bayarin tuwing may pandemya o health emergency at dapat ding mapanatili ang export incentives para dito.

Inoobliga rin ng panukala ni Marcos ang gobyerno na sa mga local manufacturers muna unang bumili ng mga healthcare supplies, basta ang kanilang presyo ay hindi naman sosobra sa 25% ng pinakamababang presyo ng mga dayuhan.

Facebook Comments