Karamihan sa mga Pilipino ngayon ang nakakaranas ng pandemic fatigue o yung napapagod na sa paulit-ulit na lamang na ginagawa sa loob nang isang taon.
Sa interview ng RMN Manila, ipinaliwanag ng Clinical Psychologist na si Dra. Camille Garcia na ito rin ang dahilan kung bakit marami na ngayon ang hindi na sumusunod sa ipinatutupad na protocols kagaya ng pagsusuot ng face masks.
Tila nagsasawa na kasi ang publiko kung kaya’t mas nagiging pasaway na ngayon ang karamihan na posibleng isa naman sa dahilan ng pagtaas ng COVID-19 cases.
Samantala, bukod sa pandemic fatigue ay tumaas din ang kaso ng mga nagsu-suicide sa bansa dahil sa stress na nauuwi pa sa anxiety at depression.
Kaya naman payo ni Garcia, bukod sa pag-meditate at pagre-relax ay kailangang tanggapin na limitado pa rin hanggang sa ngayon ang mga kilos dahil sa patuloy na banta ng virus.
Mainam rin ayon kay Garcia na magkaroon ng aktibong lifestyle kagaya ng pag-eehersisyo, magpa-araw at bawasan ang pag-gamit ng social media.