Pagtanggap ng aplikasyon sa pagkuha ng fare matrix hinggil sa ipatutupad na taas-pasahe sa mga pampublikong sasakyan, sinimulan na ng LTFRB

Muling iginiit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi pwede ang sariling gawa ng mga operator at driver na fare matrix sa ipatutupad na dagdag-pasahe sa traditional at modern public utility jeepneys (PUJs), public utility buses, taxi at Transport Network Vehicle Service (TNVS) simula sa Oktubre 3.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni LTFRB Board Member Atty. Mercy Jane Paras-Leynes na nagsisimula na sila tumanggap ng aplikasyon para sa pagkuha ng fare matrix.

Layon aniya nito na ang ilalabas ng LTFRB na fare matrix sa mga pampublikong sasakyan ay pare-parehas ang nakasaad na impormasyon hinggil sa taas-pasahe.


Kasunod nito, iginiit ni Atty. Paras- Leynes na maaaring ireklamo ng mga pasahero sa kanilang ahensya ang sinumang driver o operator na naniningil na ngayon ng dagdag-pasahe.

Pero, kinumpirma ng opisyal na sa ngayon ay wala pa naman reklamo na natatanggap ang LTFRB.

Matatandaang, batay sa inilabas na desisyon ng LTFRB ay inaprubahan ang P1 na provisional increase para sa TPUJ AT MPUJ.

Magkakaroon din ng karagdagang pamasahe na P2 sa ordinary at aircon city bus, habang P2 din para sa ordinary provincial bus.

Magpapatupad naman ng P5 umento sa flagdown rate ng mga taxi at TNVS.

Facebook Comments