Walang nakikitang conflict of interest ang Civil Service Commission (CSC) sa pagtanggap ng modelling project ni Manila Mayor Isko Moreno para makapag-donate ng pera sa Philippine General Hospital.
Para kay CSC Commissioner Aileen Lizada, walang kaso sa kanila ang pagpasok ng alkalde sa mga endorsement dahil non-career ang kanyang posisyon.
Pero sinabi naman ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica, dapat lamang na tiyakin na walang transakyon ang mga kumpanya sa opisiya ng alkalde dahil ibang usapin na ito.
Matatandaang inamin ni Mayor Isko na kinuha siyang modelo ng isang clothing line.
Aniya, ang Talent Fee niyang isang Milyong Piso ay ipinaderetso niya sa mga batang cancer patient sa PGH.
Nang malaman ito ng clothing line ay dinoble pa ang kanyang TF.
Ayon kay Manila Public Information Office Chief Julius Leonen, mas pilini ni Moreno na tulungan ang PGH dahil hindi lamang manilenyo ang matutulungan nito.
Nagkaroon din ng pictorial si Mayor Isko para sa isang coffee mix brand kung saan tatlong Milyong Piso ang kanyang Talent Fee dito na ibibigay niya sa PGH.