Pagtanggi ng ECOP na obligahin ang mga kompanya na mag-hire ng PWDs, binatikos ng isang kongresista

Kinastigo ni Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo ang pahayag ng Employers Confederation of the Philippines o ECOP ng hindi pagsuporta sa panukalang batas na mag-o-obliga sa mga pribadong kompanya na mag-hire ng mga persons with disabilities o PWDs.

Ito ay ang House Bill 8941 na nagtatakda na dapat ay ilaan sa mga PWDs ang 2% sa workforce o mga empleyado ng isang kompanya ay may 1,000 mga empleyado at 1% naman para sa mga maliliit na negosyo na mayroon lamang 100 o mas kaunting empleyado.

Sa pagdinig ng House Special Committee on Persons with Disabilities ay ikinatwiran ng tagapagsalita ng ECOP na magkakaroon ng dagdag na gastos ang mga kompanya na kukuha ng mga manggagawa na may kapansanan dahil mangangailangan ito ng dagdag na mga pagsasanay pasilidad at mga kagamitan.


Para kay Tulfo, ang naturang rason ay palusot lamang ng ECOP.

Kaugnay nito ay isinulong naman ni Tulfo na mapadalhan ng subpoena ang mga opisyal ng Civil Service Commission na hindi dumalo sa pagdinig ukol sa pagbibigay ng trabaho sa PWDs.

Facebook Comments