Manila, Philippines – Nilinaw ngayon ng Manila police na walang epekto sa isinusulong na mga usapin ang hindi pagpapaunlak ng ng mag-inang Rosemarie at Ralph Trangia sa imbistasyon ng Manila Police na sila ay magpunta sa Manila Police District.
Ayon kay Senior Inspector Rommel Anicete, ang pinuno ng MPD Homicide Division, ang pagtungo nila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kanina ay bahagi ng koordinasyon sa mga Law Enforcement Agency na may kinalaman ngayon sa ginagawang imbestigasyon sa naganap na hazing ng Aegis Juris Fraternity na nagresulta sa pagkamatay ng UST law student na si Horacio Castillo III.
Si Ralph Trangia at inang si Rosemarie ay kabilang sa mga respondent sa kaso na subject na rin ng preliminary Investigation sa Department of Justice.
Paliwanag ni Anicete na kung sumama sa team ng Manila Police ang mag-ina ay malaki ang maitutulong nila sa pagkalap ng mga impormasyon patungkol sa tunay na nangyari noong petsa na maganap ang initiation rites ng Aegis Juris kay Castillo III.
Aminado naman si Anicete na dahil sa kawalan ng warrant of arrest ay wala silang magagawa at hindi nila maaaring puwersahin ang mag-inang Trangia, ito rin aniya ang itinatakda ng batas.
Iginiit ni Anicete na may tamang venue kung saan maaaring magbigay ng kanilang panig ang mag-inang inaakusahan gaya ng preliminary investigation ng DOJ panel of Prosecutors.