Pagtanggi ng pamilya ni Cabral sa autopsy at malalimang imbestigasyon sa pagkamatay nito, kahina-hinala para sa isang kongresista

Kahina-hinala para kay House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima ang pagtanggi ng pamilya ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral sa autopsy at malalimang imbestigasyon sa pagkamatay nito.

Kung tutuusin, ayon kay De Lima, dapat ay ang pamilya ni Cabral ang nangunguna sa paghingi ng hustisya at paghiling ng malalimang imbestigasyon sa pagkahulog ni Cabral sa bangin sa bahagi ng Kennon Road, Tuba, Benguet.

Hindi makapaniwala si De Lima na basta na lamang tatanggapin ng pamilya ni Cabral na ang nangyari ay aksidente lang at dapat pabayaan na ng pamahalaan.

Ayon kay De Lima, dahil sa ganitong hakbang ng pamilya, ay hindi maiwasang isipin na maaaring hindi katawan ni Cabral ang nasawi at may posibilidad na may kinalaman ang kanyang driver upang palabasin na suicide ang nangyari.

Higit pang ikinabahala ni De Lima ang pagiging maluwag ng Philippine National Police (PNP) na agad ibinigay ang mga gamit ni Cabral, tulad ng cellphone, sa kanyang pamilya.

Giit ni De Lima, hindi maaaring sa pagkamatay ni Cabral ay mailibing na rin ang mga katibayan, lalo na ang buong katotohanan, sa malawakang katiwalian at pandarambong sa kaban ng bayan kaugnay ng flood control scandal.

Facebook Comments