Pagtanggi ni Sec. Dominguez na magpatupad ng debt moratorium, kinuwestyon ng isang senador

Kinuwestyon ni Committee on Economic Affairs Chairperson Senator Imee Marcos ang pagtanggi ni Finance Secretary Carlos Dominguez na magpatupad ng debt moratorium sa harap ng COVID-19 crisis.

Nilinaw ni Marcos na ang mungkahi niyang debt moratorium ay hindi panunuba o pagtalikod sa utang kundi pansamantalang paghinto muna sa pagbabayad ng bansa sa utang.

Paliwanag ni Marcos, malaki ang maitutulong sa mga nangangailangan ng pondo na pambayad sa utang ng bansa.


Tanong ni Marcos kay Sec. Dominguez, wala ba itong puso at hindi ba ito naaawa sa napakarami sa kababayan nating naghihirap, nagugutom at namamatay?

Tinukoy ni Marcos, na malinaw ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kung kinakailangang magmakaawa at manghiram ay gawin para mabigyang solusyon ang malaking problemang kinakaharap ngayon ng Pilipinas.

Dagdag pa ni Marcos, mismong ang International Monetary Fund (IMF) ang nagsabing mahalaga ang debt moratorium kung ang isang bansa ay may kakulangan sa pagkukunan ng pondo at may mahinang health care system para magkaroon ng pagkakataong maka bangon sa kasalukuyang global crisis.

Facebook Comments