Matinding batikos ang ibinato ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel sa pagtanggi ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na dumalo sa pagdinig ng House Committee on Human Rights ukok sa extrajudicial killing na naganap sa ilalim ng war on drugs ng Duterte administration.
Ayon kay Manuel, bakit iniisip ni Dela Rosa na ‘ganging up’ o pagkuyog sa resource person ang layunin ng Kamara sa mga pinapaharap sa committee hearings.
Kaya tanong ni Manuel kay Dela Rosa, ganito ba ang pakay niya sa mga imbitadong resource person sa Senado?
Diin ni Manuel, mahalaga ang pagharap ni Dela Rosa sa pagdinig ng Kamara dahil bilang dating hepe ng Philippine National Police ay ito ang pumirma sa memorandum circular na naging batayan ng madugo at anti-mahirap na war on drugs.
Giit ni Manuel, hindi proteksyon ang pagiging senador para matakasan ni Dela Rosa ang responsibilidad na sumagot sa mga tanong kaugnay ng programang pinamunuan nila ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.