Pagtanggi ni Senator Dela Rosa na dumalo sa pagdinig ng Kamara ukol sa drug war, isang kaduwagan -kongresista

Para kay House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, ang pagtanggi ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na dumalo sa pagdinig ng Kamara ukol sa war on drugs ay nagpapakita ng pagiging duwag nito at pag-iwas sa pananagutan.

Ayon kay Castro, ginagamit pa ni Dela Rosa na rason ang inter-parliamentary courtesy pero ang totoo takot itong harapin ang mga biktima ng madugong war on drugs na ipinatupad nila ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Tinuligsa rin ni Castro ang ipinagmamalaki ni Dela Rosa na gumagana ang justice system sa ating bansa dahil may mga pulis na nahatulan kaugnay sa implementasyon ng drug war.


Punto ni Castro, iilang pulis lang ang nahatulan at nakasuhan pero nananatili pa ring ligtas sa kaparusahan ang arkitekto ng madugong kampanya laban sa iligal na droga.

Bunsod nito ay hinihiling ni Castro kay Dela Rosa na humarap sa imbestigasyon ng Kamara kung naniniwala ito na tama ang kanyang naging aksyon noon at wala itong dapat ikatakot sa mga biktima at kanilang pamilya na karapat-dapat lamang mabigyan ng hustisya.

Facebook Comments