Inirekomenda ni Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go sa gobyerno na tangkilikin ang mga produktong gawa ng Pilipino tulad ng face masks na proteksyon ngayong may pandemya at makakapagbigay pa ng hanapbuhay sa ating mga kababayaan.
Sabi ni Go, paraan ito para tulungan na makaahon ang mga lokal na industriya, tulad ng mga mananahi at mga nagbebenta ng raw materials sa paggawa ng face masks.
Hiniling din ni Go sa Department of Trade and Industry (DTI), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Commission on Higher Education (CHED) na maglunsad ng training para sa mga nais gumawa ng locally produce standard face masks na pasado sa health specifications.
Nanawagan naman si Senator Imee Marcos na aalisin ang ilang buwis at panatilihin ang mga export incentives para sa mga local manufacturer ng Personal Protective Equipment (PPEs) upang maitulak ang pagpapalakas sa lokal na industriya.
Inihain din ni Marcos ang Senate Bill 1708 o ang Healthcare Manufacturing and Pandemic Protection Act.
Sa panukala ay hindi na pagbabayarin ang mga local manufacturer ng buwis sa pag-import ng kanilang mga materyales at kagamitan, aalisin na rin ang iba pang bayaring kinu-kolekta ng Bureau of Customs (BoC) at Food and Drug Administration (FDA).
Iginiit naman ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa Department of Health (DOH) na iprayoridad ang COVID-19 test kits na naimbento ng University of the Philippines – National Institute for Health na mas mura at kasing epektibo ng imported na test kits.