Pinatitiyak ni Senator Nancy Binay sa mga economic managers na sa susunod na taon ay dapat mas maramdaman na ng bansa ang mas pinalakas na hakbang ng gobyerno para sa pagtangkilik ng mga locally-made products o Tatak Pinoy na produkto.
Sa budget briefing sa Senado, sinabi ni Binay na isa ang pagpapalakas sa mga local domestic products na binanggit ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang SONA kaya umaasa siyang masisimulan na ang pag-patronize o pagtangkilik sa ating mga sariling produkto.
Inihalimbawa ni Binay na noong kasagsagan ng pandemya, maraming textile industry ang nag-shift o lumipat sa pagpo-produce ng PPEs pero dahil sa ‘terms of reference’ na ginawa ng pamahalaan ay natalo tuloy ang ating mga local manufacturers at sa huli puro PPEs mula sa China ang binili ng bansa.
Hiling ng senadora, ang pagtangkilik sa sariling produkto ay dapat na magsimula sa gobyerno sabay hirit nito na ‘practice what we preached’.
Depensa naman ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan, binabalanse natin ang interes ng bansa kung saan mayroon tayong trade policy na sinusunod para mapanatili ang matatag at mababang presyo, makalikha ng trabaho at gawing mas competitive ang ating mga produkto.
Pero giit naman dito ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, ang dapat na gawin ay gamitin ang resources at impluwensya ng gobyerno para matulungan ang ating mga industriya na maging competitive lalo’t napag-iiwanan na tayo ng mga kapitbahay na bansa pagdating sa pagtulong sa local domestic industry.