PAGTAPON NG ISANG DRIVER SA TRAFFIC TICKET, PINUNA NG POSO DAGUPAN

Mariing pinuna ng Dagupan City Public Order and Safety Office (POSO) ang ginawa ng isang drayber ng puting SUV na itinapon ang inisyung Traffic Citation Ticket matapos itong mahuling nakaparada sa sidewalk sa Burgos Street, Dagupan City kahapon, Nobyembre 2.

Ayon sa POSO, iniwan ng drayber ang sasakyan sa gilid ng kalsada at nang balikan ng mga enforcer ang lugar, wala na ito at tanging gusot na ticket na lamang ang naiwan.

Bunsod nito, pansamantalang panghahawakan ng Land Transportation Office (LTO) ang transaksyon ng naturang sasakyan at hindi ito makakapag-renew hangga’t hindi nababayaran ang multa.

Giit ng lokal na pamahalaan, ang ginawa ng drayber ay malinaw na kawalang galang sa mga batas trapiko at sa mga awtoridad.

Dagdag pa ng POSO, ang disiplina sa kalsada ay tungkulin hindi lamang ng mga enforcer kundi ng bawat motorista at mamamayan.

Facebook Comments