Pagtapyas ng pondo para sa communicable diseases ng DOH, iniangal ni Rep. Garin

Umapela si House Committee on Appropriations Vice Chairman at Iloilo Rep. Janette Garin sa Department of Health (DOH) na tutukan at iprayoridad ang prevention and control ng mga communicable diseases.

Giit ito ni Garin sa DOH sa harap ng pagtapyas ng P4.2 billion o 71.21% sa budget para sa disease prevention na inilipat sa health promotion program ng ahensya.

Para kay Garin, ang ganitong hakbang ng DOH ay maituturing na “wrong priority” lalo at nahaharap pa rin ang bansa sa pandemya.


Ilan sa communicable diseases na dapat tutukan ayon kay Garin ay ang COVID, tuberculosis, monkeypox, leptospirosis, encephalitis at ang HIV o AIDS na nagkaroon na ng pagtaas nitong mga nakalipas na taon dahil mas natutukan ng bansa ang COVID-19 pandemic.

Payo ni Garin sa DOH, huwag magpabaya sa communicable diseases lalo sa COVID dahil mismong health experts na ang nagbabala na maaaring tumaas ang admission sa mga ospital hanggang sa pagtatapos ng taon.

Sabi ni Garin, ito ay dahil mananatiling mataas ang infection rate ng COVID-19 hanggang mababa ang bilang ng mga Pilipino na nakatanggap na ng booster shot.

Facebook Comments