Pagtapyas sa pondo ng DOH para sa COVID-19 response, sinita ni VP Robredo

Pinuna ni Vice President Leni Robredo ang pagtatapyas sa 2022 budget ng Department of Health (DOH).

Ayon sa DOH, binawasan ng Department of Budget and Management (DBM) ang COVID-19 budget ng ahensya sa susunod na taon kabilang ang special risk allowance para sa mga health workers.

Ipinagtataka ni Robredo kung bakit binawasan ang pondo para sa mga programang mas kailangan ngayong panahon ng pandemya.


Dagdag pa niya, hndi dapat pinaparusahan ang DOH dahil sa hindi nito nagastos na pondo noong 2020 sa halip ay humanap ng ibang ahensyang maaaring magpatpupad ng mga COVID-19 pandemic programs.

“Ang solusyon diyan, hindi bawasan ng budget e, pero maghanap ng ibang puwedeng makatulong mag-implement. Kasi kung ang problema ng DOH masyado na siyang swamped, hindi magamit ang pera, e di hanapan ng paraan kaya nga may IATF e kasi ito ang convergence ng lahat ng departments,” saad ni Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila.

“Kapag hindi pandemic maintindihan natin pero dahil pandemic, it doesn’t makes sense,” dagdag niya.

Sinita rin ng pangalawang pangulo ang pagtatapyas ng P170 million funds ng DOH para sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na malaki rin ang ginagampanang papel sa COVID-19 testing.

“Ito yung pinaka-kailangan na function natin ngayon tapos ito yung tatanggalan.”

Bukod dito, binanggit din ng DOH na walang nakalaang pondo para sa allowances ng mga health workers sa 2022 dahil kukunin na lamang umano ito sa Bayanihan 3.

Pero giit ni Robredo, hindi pa naipapasa ang Bayanihan 3 at ipinuntong hindi ito priority bill ng gobyerno.

Facebook Comments