Hiniling ng Senado na itaas na ang alarma kaugnay sa mga napapabalitang mga insidente ng bukas maleta sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa inihaing Senate Resolution 463 ni Senate Committee on Public Services Chairman Senator Grace Poe, layunin dito na matiyak na ligtas ang baggage at passenger system sa lahat ng paliparan sa bansa.
Nakasaad sa resolusyon ni Poe na sa kabila ng pagsusumikap ng pamahalaan na mapahusay ang operasyon at infrastructure ng NAIA, nananatili itong isa sa “most stressful airport” sa Asya dahil sa iba’t ibang problema tulad ng isyu sa bagahe alinsunod sa travel survey noong 2022.
Ang mga bagay na ito aniya ay may negatibong epekto sa ating ekonomiya at sa ating reputasyon sa international community at maaaring makadismaya sa mga dayuhang turista at investors na pumasok sa bansa.
Pinakikilos sa resolusyon ang Department of Transportation (DOTr) at Manila International Airport Authority (MIAA) alinsunod sa Air Passenger Bill of Rights at Montreal Convention ang mga insidente ng bukas maleta para sa kapanatagan ng isipan ng mga pasahero.
Pinarerepaso rin sa resolusyon ang mga umiiral na protocols sa pangangasiwa sa bagahe ng mga pasahero dahil ang mga insidente ng bukas maleta ay nagpapalubha lang sa hindi magandang imahe natin bilang World’s Worst Airport.