Hindi basta-bastang makapagtataas ng pasahe ang mga modernong jeepney na nakilahok sa consolidation sa ilalim ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Land Transportation Office-National Capital Region Regional Director Atty. Zona Russet Tamayo na lahat ng planong pagtataas ng pasahe ng mga kooperatiba ay kailangang dumaan sa LTFRB.
Maliban sa LTFRB, kailangan din itong busisiin ng National Economic and Development Authority (NEDA) dahil ang anumang taas-pasahe ay nakaapekto sa inflation.
Nauna nang sinabi ni Office of Transportation Cooperatives (OTC) Chairperson Jesus Ferdinand Ortega na walang basehan ang pangamba ng ilang grupo na aabot sa ₱30 hanggang ₱50 ang pamasahe sa susunod na limang taon dahil sa PUV modernization.
Noong 2017 pa aniya nagkaroon ng modern jeep pero hanggang ngayon ay ₱2 lamang ang itinaas sa pasahe.
Sa kasalukuyan, ay nasa ₱13 ang minimum fare sa tradisyunal na jeepney habang nasa ₱15 naman ang pamasahe sa modernong jeepney.