Muling ipinanawagan ng Makabayan na itaas na sa P750 ang minimum wage sa buong bansa.
Ang hirit ng Makabayan ay kaugnay na rin sa 5.4% inflation rate na naitala noong Mayo.
Giit ng Makabayan, ang P570 na minimum na sahod ay mababa na lamang ang halaga para sa nagtataasang presyo ng mga bilihin.
Mas lalo lamang umanong bumaba ang value ng minimum wage dahil sa pagtaas pa ng inflation level.
Minaliit din ng Makabayan ang P33 na naging dagdag sa arawang sahod ng mga empleyado dahil wala naman itong malaking epekto para makaagapay sa pamilya ng wage earners sa bansa.
Para makapamuhay nang marangal ang isang pamilya ay dapat P1,072 kada araw ang family living wage na malayo sa aktwal na P570 na arawang sahod.
Kaya naman, ang P750 national minimum wage na isinusulong ng progresibong grupo ay makatarungan nang maituturing na dapat agad maisabatas at maipatupad.